MANILA, Philippines — Aabot sa 409 na Pinoy na naiipit sa gulo sa Sudan ang nailikas na ng pamahalaan ng Pilipinas matapos isagawa ang mass evacuation sa gitna ng idineklarang tatlong araw na ceasefire sa Sudan.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, base sa ulat na natanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., 335 sa 409 Pilipino ang mga overseas Filipino workers at mga miyembro ng kanilang pamilya ang umalis ng Khartoum at nagtungo sa Egypt sa pamamagitan ng Wadi Halfa Highway.
Nasa 35 OFWs at 15 estudyante rin ang nailikas sa Egypt sa tulong ng mga Pilipino sa Sudan gayundin ang mga tauhan ng Department of Migrant Workers (DMW).
Kasalukuyang nasa Cairo, Egypt sina DMW Secretary Susan Ople at Undersecretary Hans Leo Cacdac, para tumulong sa evacuation efforts ng gobyerno at pamunuan ang pamamahagi ng welfare assistance sa mga lumikas na OFWs mula sa Sudan.
Sinabi ng DMW chief na inutusan sila ni Pangulong Marcos na mabilis na ilikas ang lahat ng apektadong Pilipino sa Sudan at katiyakan na ang mga walang pasaporte o identity card ay bibigyan pa rin ng tulong sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nabahala naman si House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Ron Salo (Kabayan Partylist) sa kalagayan at kaligtasan ng nasa 750 pang hindi mga rehistradong Pilipino na naiipit sa civil war sa Sudan. - Joy Cantos