MANILA, Philippines — Sinabi kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na inaasahang mauubos na pagsapit ng Hunyo at Hulyo ang mga plaka para sa motorsiklo at sasakyan.
Ayon kay LTO chief Jay Art Tugade, sinabihan na umano ang Department of Transportation (DOTr) sa posibleng kaharaping problema dahil dito, kung saan ito rin ang in-charge sa procurement ng license plate na nagkakahalaga ng P4.5 bilyon.
“Insofar as the license plates are concerned, based on the forecast of the LTO, license plates will run out for motorcycles by June, and by July, the license plates for motor vehicles will be depleted as well,” ani Tugade.
Bilang solusyon dito, bumubuo na umano ang LTO ng plano kung saan papayagan ang mga motorcycle at vehicle owners na pansamantalang gumawa ng sarili nilang plaka.
Nang tanungin sa posibilidad na paglobo ng mga krimen sa planong ito, lalo pa’t maaaring mag-imbento na lamang ng kung anu-anong numero at letra sa sariling plaka ng mga motorista ay sinagot ni Tugade na posibleng mangyari.
“Similar to a brand new motor vehicle, a car, wherein the identification mark is the conduction sticker. We will be applying the same concept to motorcycles in the event that we fully run out of motorcycle plates,” wika ni Tugade.
Samantala, susuriin naman ng LTO ang Certificate of Registration ng may-ari taglay ang file number upang matukoy ang pagkakakilanlan ng sasakyan.
Nanawagan naman si Tugade sa DOTr na bilisan na ang pagbili ng mga license plates para maiwasan ang mas marami pang problema.