MANILA, Philippines — Walong Public Assistance Center sa iba’t ibang lugar sa Davao region ang binuksan nina Tingog party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Unang pinasinayaan ang mga Alagang Tingog Center (ATC) sa Samal Island, Panabo City, at bayan ng Carmen sa Davao del Norte. Kumpiyansa si Speaker Romualdez na makatutulong ang mga ATC upang hindi maging balakid ang lokasyon sa pagkuha ng mga residente ng tulong mula sa gobyerno. Kinabukasan, Abril 20, pormal namang binuksan ang mga ATC sa Tagum City, at mga bayan ng Asuncion at San Isidro.
Nang sumunod na araw, ang mga ATC naman sa Dujali at Sto. Tomas ang binuksan na dinaluhan ni House Deputy Secretary General Ponyong Gabonada na siyang kumatawan kay Romualdez at mga opisyal mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Ang pagbubukas ng mga ATC ay sinundan ng pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD).
Tig-P2,000 ang natanggap ng 1,000 residente sa Samal Island, 800 naman sa Panabo City, at 500 sa Carmen.
Kaparehong tulong din ang natanggap ng 500 residente sa San Isidro, 500 benepisyaryo mula sa transport sector ng Asuncion,1,700 magsasaka sa Tagum City, 500 sa Dujali, at 500 residente ng Sto. Tomas.