MANILA, Philippines — Umabot sa 145 estudyante sa Occidental Mindoro ang naospital nang mahilo bunsod ng labis ng init na panahon na pinalala ng pagkawala ng kuryente sa kanilang lugar.
Ayon kay Department of Education Assistant Schools Division Superintendent Rodel Magnaye, pito sa mga estudyante ng San Jose National High School, ang nahirapan huminga na nauwi sa pagkahimatay, 10 ang nakaramdan ng pagkahilo ang iba ay dumanas ng matinding sakit ng ulo.
Nabatid na mahigit isang buwan na ang nararanasang krisis sa kuryente ng Occidental Mindoro.
“Sa kasalukuyan po, ang mga bata na nagkakaroon ng pagkaranas ng sobrang kainitan ay nabibigyan ng karampatan at kagyat, mabilisang pagtugon ng ating health nurses ng ating mga medical officials ng San Jose, dahil meron kaagad na ambulansya na nakaantabay sa mga lugar sapagkat nasa sentro naman po ang paaralan ng kabayanan,” ani Magnaye.
Ayon pa kay Magnaye, bagama’t marami na rin ang mga electric fan sa mga silid-aralan, kabilang na ang mga solar-powered pinapayuhan pa rin ang mga magulang na pagbaunin ng tubig ang kanilang mga anak.
Ginawa rin nilang alternatibo ang paglimita sa pasok ng mga estudyante.
Kaugnay nito, sinailalim na sa state of calamity ang Occidental Mindoro dahil 4 na oras lamang kada araw may suplay ng kuryente sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Vice Governor Diana Apigo Tayag, matindi na ang epekto ng blackout sa pag-aaral ng mga estudyante, kalusugan at kabuhayan ng mga taga-Occidental Mindoro.
Isa sa mga gamit ng calamity fund ay ang pagbili ng krudo para may magamit na kuryente sa mga ospital.
Sumabay pa ang power crisis sa napakatinding init ng panahon kaya marami na ang nagkakasakit.