MANILA, Philippines — Kasunod nang pag-amin ng Department of Health (DOH) na umakyat ang COVID positivity rate matapos ang paggunita sa Semana Santa ay nakahanda sila sa mga bagay na ito.
Sinabi ni DOH Officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na naitala na sa 7.6% ang positivity rate mula sa 6.9% noong nakaraang linggo. Lagpas ito sa ‘threshold’ o pamantayan na 5% na itinakda ng World Health Organization (WHO).
Handang-handa umano ang health system ng bansa para sa panibagong surge kung mangyayari man ito. Ito ay dahil sa maayos nang sistema na naitakda sa mga pagamutan, dagdag na kaalaman ng mga healthcare workers at presensya ng mga bakuna at gamot.
Hindi rin umano dapat gamitin ang positivity rate sa antas na sitwasyon sa COVID-19 sa bansa.
Ipinaliwanag niya na mababa ngayon ang demand sa laboratory testing dahil sa marami sa mga tao ay gumagamit ng antigen testing o nagsi-self isolate na lang kapag nakaramdam ng sama ng pakiramdam.