4 Pinoy nasagip; human trafficker arestado
Isasabak sa online scam sa Cambodia…
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga otoridad ang 4 na Pinoy na balak isabak sa online scam sa Cambodia at naaresto ang isang human trafficker na magpupuslit sa kanila sa Ninoy Aquino International Airport kamakalawa.
Naaresto ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Division, NAIA ang suspek na si Mona Almerah Kozay, na umano’y nag-sponsor at nag-escort sa apat na Pilipino.
Nang isailalim sa mas masusing pagtatanong, inginuso ng mga biktima si Kozay na napag-alaman ng mga otoridad na hindi otorisadong mag-recruit ito.
Ayon kay NBI spokesperson Giselle Garcia-Dumlao, in-orient umano ng suspek ang mga biktima na sabihin sa immigration interview na ang kanilang pakay sa Cambodia ay bilang turista.
Patuloy ang babala ng Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino na mag-ingat sa mga nagre-recruit sa kanila na magtatrabaho kuno sa call center sa ibang bansa at may malalaking pangako na sahod na kinalaunan ay dadalhin sila sa mga sindikato sa online.
Magugunita na kamakailan ay nasagip ang walong Pinoy na ginawang online scammer at naiuwi ng bansa mula sa Cambodia noong Pebrero.
Nagsampa ng reklamo ang NBI laban sa isang opisyal ng Bureau of Immigration at tatlong iba pa na sangkot noong Marso.
- Latest