MANILA, Philippines — Nakapasok na rin sa Pilipinas ang bagong Omicron subvariant na XBB.1.9.1 makaraang 54 na kaso nito ang natukoy sa pinakahuling genome sequencing.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nasa 39 kaso nito ang natukoy mula sa samples na isinailalim sa sequencing ng University of the Philippines - Philippine Genome Center mula Abril 3 hanggang 11.
Hindi pa naman nagbigay ng impormasyon ang DOH hinggil sa 15 iba pang kaso nito.
Kamakailan lamang ay nadagdag sa listahan ng mga ‘variants under monitoring’ ng World Health Organization (WHO) ang naturang subvariant.
Batay sa ulat ng DOH, ang variant ay natukoy na sa may 63 bansa o hurisdiksiyon sa anim na kontinente, ayon sa sequence submissions sa GISAID.
Gayunman, sinabi ng DOH na ang mga kasalukuyang available na ebidensiya para sa XBB.1.9.1 ay hindi naman nagpapakita na may kaibahan ito sa disease severity at clinical manifestations, kumpara sa orihinal na Omicron variant.
Nakasaad rin naman sa ulat na may 150 bagong kaso pa ng Omicron COVID-19 subvariants ang natukoy sa bansa.