LTFRB nagbigay ng mahigit 10K TNVS slots
MANILA, Philippines — Labis ang papuri ng pinakamalaking transport network vehicle service (TNVS) alliance sa bansa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nang magbigay ito ng mahigit 10,000 TNVS slots na magbibigay ng trabaho sa mga taga-Metro Manila at kalapit na lugar.
“Ang mga bagong slots ay magbubukas ng mga pangkabuhayang oportunidad sa ating mga kababayan na patuloy na naghahanap ng ibang pagkakakitaan matapos ang panahon ng pandemya”, wika ng TNVS Alliance of the Philippines (TAP).
Anya, hindi na makahintay ang TAP sa pagpasok ng mga bagong TNVS drivers sa komunidad na naghahatid ng ligtas at maginhawang serbisyong pangtransportasyon sa bawat Pilipino.
Nilalaman ng resolusyon ng LTFRB, na pirmado ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III at mga Board Members na sina Riza Marie Tan-Paches at Mercy Jane Paras-Leynes, ang pagbubukas ng 10,300 na mga bagong slots sa Metro Manila at mga probinsiya ng Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.
Paliwanag ng buong LTFRB Board, batid nito na makatutulong ang mga karagdagang slots para magkaroon ng eksaktong numero ang TNVS na magsusuplay ng mga pangangailangan sa transportasyon ng mga pasahero.
- Latest