MANILA, Philippines — Dalawang kaso ng graft laban kay dating Quezon City Mayor Herbert Bautista na may kinalaman sa dalawang government projects noong 2019 ang isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.
Bukod kay Bautista, kasama rin sa kinasuhan si dating Quezon City Administrator Aldrin Cuña.
Iniakyat ito sa Sandiganbayan matapos makakita ng sapat na batayan upang maidiin ang dalawa sa naturang kaso.
Sa unang kaso, nagsabwatan umano sina Bautista at Cuña matapos na paboran ang Cygnet Energy and Power Asia at i-award dito ang P25 milyong kontrata para sa suplay at paglalagay ng solar power system at waterproofing works ng Civic Center Building F ng QC LGU.
Si Cuña umano ang nag-isyu ng Certificate of Acceptance, habang si Bautista ang lumagda sa disbursement voucher para bayaran ang Cygnet kahit na nabigo ito na makapag-apply at makakuha ng net metering system mula sa Meralco na nakapaloob sa term of reference at supply delivery agreement ng proyekto na dahilan para malugi ang LGU.
Sa hiwalay na kaso, sinampahan din ng katiwalian sina Bautista at Cuña matapos na paboran naman ang kompanyang Geodata Solutions Inc., nang pumasok ang una para sa online occupational permitting at tracking system na nagkakahalaga ng mahigit sa P32 milyon kahit na walang specific appropriations ordinance ang Sangguniang panglungsod at hindi nakumpleto ang delivery ng proyekto.
Nilagdaan naman ni Cuña ang purchase request maging ang obligation request. Nai-raffle na ang naturang mga kaso laban sa dalawa kung saan sa 3rd division ng Sandiganbayan ang unang kaso ng katiwalian, habang nasa 7th division naman ang ikalawang kaso.