Semana Santa ‘generally peaceful’ - PNP
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na mapayapa sa pangkalahatan ang pagdiriwang ng Semana Santa sa bansa nitong nakalipas na Linggo.
“Naging maayos at mapayapa naman pangkalahatan ang naging paggunita po ng Semana Santa ngayong taon,” wika ni PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo.
Mayroon din nangyaring maliit na krimen ang napaulat sa mahabang bakasyon tulad ng 2 theft incidents, 2 robbery incidents, at isang kaso ng physical injury.
“Ito ay mas mababa po kung ikukumpara natin iyan sa nagdaang taon,” wika ni Fajardo.
Anya, kahit na mababa ang napaulat na krimen ay patuloy pa rin na nasa heightened alert ang kapulisan hanggang ngayong araw.
Nabatid na mahigit 78,000 police personnel ang idineploy sa buong bansa bago ang Semana Santa at patuloy ang mga ito na nasa kanilang area hanggang kahapon.
“Nandoon pa rin po sila sa major thoroughfares at doon sa mga terminal, sa mga pantalan at airport, dahil inaasahan nga po natin na simula kahapon, ngayon hanggang bukas po ay magsisibalikan naman po mula sa kani-kanilang mga probinsya iyong ating mga kababayan pabalik po ng Metro Manila,” wika pa ni Fajardo.
- Latest