11 patay sa pagkalunod, 1 pa nawawala!
Trahedya sa Biyernes Santo at Sabado de Gloria
MANILA, Philippines — Labing-isang katao kabilang ang limang tinedyer ang kumpirmadong patay sa pagkalunod habang isa pang bata ang nawawala sa trahedya sa kasagsagan ng Biyernes Santo at Sabado de Gloria sa magkakahiwalay na insidente sa Camarines Sur, Batangas, Quezon at Oriental Mindoro.
Sa ulat, isa-isang natagpuan kahapon sa ilalim ng dagat ng mga residente, mga pulis, coast guards at BFP-rescue team at walang malay na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan pero idineklarang dead-on-arrival ang mga biktima na sina Rizza Hermosa, 17-anyos; Jhona Hermosa, 17; Rhea Pino, 18; pawang residente ng Brgy. Catagbacan, Goa, Camarines Sur; Rafael Pino, 18, at Regine Pino, 16; kapwa ng Naga City.
Hanggang kahapon ng hapon ay patuloy namang hinahanap ang nawawalang si Ashley Rose Hermosa, 16-anyos, habang masuwerteng nasagip sa pagkalunod ang 12-anyos na si Jean Rose Pino.
Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-9:30 ng umaga ay nakita pang masaya at magkakasamang nagsu-swimming ang magkakaanak malapit sa dalampasigan. Gayunman, ilang sandali ay nadiskubre ng kanilang tiyuin na si Gilbert Cea na nalunod na ang mga pamangkin.
Mabilis na humingi ng saklolo ang mga kaanak sa iba pang tao sa paligid at nailigtas si Jean Rose habang rumesponde naman agad ang mga pulis, BFP-rescue team at Philippine Coastguard at isa isang nahanap at naiahon ang limang biktima na pare-parehong wala nang buhay habang nawawala pa ang batang si Ashley Rose.
Nauna rito, inulat ng Batangas Police na alas-12:44 ng hapon nang malunod ang biktimang si Calixto Serrano, umano’y nasa impluwensiya ng alak sa Taal Lake, Brgy. Poblacion East, Alitagtag ng lalawigang ito .
Naitala rin ang pagkalunod sa swimming pool bandang ala:1:40 ng hapon nitong Biyernes ng biktimang tinukoy lamang sa pangalang Khailyan habang nagdaraos ng religious retreat ang kaniyang pamilya sa isang resort sa Brgy. Calubcub 1, San Juan, Batangas.
Bandang alas-8:50 ng gabi naman nang malunod si Lucas Gabriel Neri sa isang swimming pool sa Brgy. Laiya, San Juan, Batangas at DOA sa San Juan District Hospital.
Sa Tuy, Batangas, nasawi rin si Bobong Rivera nang malunod sa malalim ng bahagi ng ilog sa Brgy. Malibu, alas-4 ng madaling araw ng Biyernes. Samantala sa Lucena City, Quezon, namatay rin si Charlie Licat na natagpuang lumulutang dakong alas-6 ng umaga ng Biyernes Santo sa baybayin ng Brgy. Talao-Talao ng lungsod.
Iniulat din ng Oriental Mindoro Police ang pagkasawi ni Alexis Trillana, 21, nang malunod habang nagsu-swimming sa pool ng Kambal Bato Resort sa Brgy. San Ignacio.
- Latest