FAO 266 ng BFAR, ipinatigil
MANILA, Philippines — Pinapurihan at tinawag na “isang magandang hakbang” ang desisyon ng Malacañang na suspindihin ang implementasyon ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266.
Ayon kay Roderic Santos, director ng Inter-Island and Deep Sea Fishing Association (IDSFA), makatutulong ang naging pasya ng Palasyo para mapalaki ang lokal na produksiyon ng isda at para matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Hinihingi sa ilalim ng FAO 266, na inisyu ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong 2020, ang paglalagay ng lahat ng mga commercial fishing operators ng Vessel Monitoring Measures (VMM) at Electronic Reporting System (ERS) upang mabatid ang lokasyon nila sa karagatan at upang maiulat nila ang kanilang huli.
Subalit sa isang bagong memorandum na pirmado ni Executive Sec. Lucas Bersamin sa ngalan ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., inaatasan ang Department of Agriculture (DA) at BFAR na itigil muna ang pagpapatupad ng FAO 266 sa buong bansa habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng Korte Suprema hinggil sa constitutionality nito.
Ang memorandum ng Palasyo ay inilabas matapos ireklamo ng Alliance of Philippine Fishing Federations Inc. (APFFI) kay Pangulong Marcos (sa pamamagitan ni Bersamin) ang BFAR kaugnay ng pagpapatupad nito ng VMM at ERS sa mga commercial fishing vessels.
Ang APFFI ay binubuo ng iba’t ibang commercial fishing associations sa bansa mula Luzon hanggang Mindanao. Galunggong at tamban ang mga pangunahing huli ng pederasyon.
Sa liham nito noong Pebrero 2023, ipinabatid ng APFFI sa Executive secretary ang paghatol ng isang hukuman sa Malabon City na walang saysay ang FAO 266 dahil ito’y unconstitutional.