MANILA, Philippines — Tatlong bala sa ulo ang itinanim ng gunman sa isang 39-anyos na negosyante habang ito ay nagpapahinga sa loob ng kanyang sasakyan, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Namatay noon din ang biktimang si Gilberto Cruz Cayetano Jr., residente ng J. Victor St., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.
Apat na suspek na riding-in-tandems ang bumaril sa biktima na ang isa dito, nagsilbing gunman ay nakasuot ng itim na jacket, itim na bull cap, gray na pantalon at green na tube mask.
Sa salaysay ng misis ng biktima bago naganap ang krimen, alas-10:59 ng gabi sa labas ng bahay ay nagbabantay siya sa kanilang tindahan at nakita ang mister na nagpapahinga sa front passenger seat ng kanilang Nissan Grand Livina.
Nagulat na lang umano siya nang makarinig ng mga putok at nang tingnan niya ang kinaroroonan ng kanyang asawa, nakita niyang pinaputukan ito habang nasa loob ng kanilang sasakyan at nagmamadaling umangkas sa naghihintay na motorsiklo ang suspek at sabay na ang kasabwat na riding-in-tandem.
Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ng kapatid ng biktima na si Desiree Cayetano na may nauna nang pagtatangka sa buhay ng kapatid noong 2020 nang may tumutok umano ng baril dito nang sila ay mag-outing.
Hindi rin aniya, nila nalaman kung sino ang kaaway o nagtangka sa buhay ng kapatid dahil malihim umano ito at walang nababanggit sa kanila na kaaway o kagalit. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.