MANILA, Philippines — Patay ang isang Chief of Police ng Tubao Municipal Police Station matapos bumangga ang minamaneho nitong kotse sa isang Fortuner sa Brgy. Guinabang, Bacnotan, La Union ng lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si P/Major John Maynard Macusi, 32, ng Brgy. Old Central, Sudipen, La Union.
Habang ang driver ng Fortuner ay kinilalang si Avelino Ledda Anastacio, Jr., 29, ng Brgy. Nalasin, Balaoan, La Union.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente pasado alas-2:00 ng hapon nitong Martes sa kahabaan ng national highway sakop ng Brgy. Guinibang ng nasabing bayan.
Napag-alaman na tinatahak ni Major Macusi na lulan ng kulay gray na kotse at Anastacio Jr., na nagmamaneho naman ng kulay itim na Toyota Fortuner ang kahabaan ng kalsada nang pagsapit sa nasabing lugar ay nagkaroon ng malakas na head on collision ang dalawang sasakyan.
Sa lakas ng banggaan ay halos wasak ang harapang bahagi ng kotse na minamaneho ni Macusi gayundin naman ang sasakyan na minamaneho ni Anastacio.
Mabilis namang naisugod sa nabanggit na pagamutan ang mga ito pero dahil sa tindi ng pinsalang sinapit ni Macusi ay hindi na ito umabot pa ng buhay sa ospital. Nasa ligtas na kalagayan naman si Anastacio at ang dalawang pasahero nito.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.