MANILA, Philippines — Naaresto na ang suspect sa brutal na pagpatay sa isang 22-anyos na graduating student ng De La Salle University–Dasmariñas sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Dasmariñas, Cavite nitong Sabado ng umaga.
Ito’y apat na araw matapos madiskubre ang tadtad ng saksak na katawan ng biktimang si Queen Leanne Daguinsin, 22 anyos, tubong Pila, Laguna na nag-iisa sa kaniyang silid sa dormitoryo sa Brgy. Sta Fe, Dasmariñas City nang pasukin, at pagsasaksakin saka pinagnakawan.
Ang suspect na nakilalang si Angelito Erlano ay nasakote sa operasyon na isinagawa ng Dasmariñas City Police at Cavite Provincial Police Office Intelligence Unit matapos na matunton ang pinagtataguan nito bandang alas-10:45 ng umaga sa Brgy. San Nicolas, Dasmariñas City.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson P/ Lt. Col. Jean Fajardo, si Erlano ay naaresto kasunod ng isinagawang backtracking ng mga awtoridad sa CCTV sa mga lugar na dinaanan nito kaya natukoy ang kaniyang pagkakakilanlan at kinaroroonan.
Sa follow-up operation, narekober din ng pulisya ang isang kulay itim na t-shirt na may puting stripe at isang asul na t-shirt na may trademark na agila na pinaniniwalaang siyang suot ng suspect nang isagawa ang krimen.
“The suspect was identified from security camera footage,” ayon naman kay P/ Lt. Col. Juan Oruga Jr., Dasmariñas City police chief na sinabi pang may dati nang kriminal na rekord ang suspect na nakulong sa kasong pagnanakaw noong Abril 2022.
Narekober din ang isang kulay itim na backpack na Sena ang brand na pinaniniwalaang pag-aari ng biktima.
Nasa P1.1 milyon ang inilaang pabuya ng mga opisyal ng Cavite para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng killer ng DLSU-Dasmariñas student.
Kabilang sa mga nagbigay ng kontribusyon sa reward ay sina Cavite Gov. Juanito Victor “Jonvic” Remulla, Senator Ramon Revilla Jr. at pamahalaang lungsod ng Dasmariñas na nagbigay ng tig P300,000 bawat isa; Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr at misis nitong si Dasmariñas City Mayor Jennifer Barzaga na nagbigay naman ng P100,000 bawat isa.
Magugunita na ang bangkay ng duguang biktima ay natagpung may nakatakip ng unan sa mukha at walang pang-ibabang suot na may 14 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Ayon naman sa suspek, wala siyang planong patayin ang biktima at tanging pagnanakaw lamang ang kanyang layunin sa pagpasok nito sa dormitoryo. Natakot umano siya kaya lamang nagawang mapatay ang biktima at nagsisisi na umano siya sa kanyang nagawa. - Cristina Timbang at Ed Amoroso