MANILA, Philippines — Kahit wala pang iniisyu na warrant of arrest ang korte ay itinuturing na ng Department of Justice na isang pugante si Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ito ang tugon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pahayag ng abogado ni Teves na hindi masasabing pugante sa batas ang kaniyang kliyente dahil wala pang inilalabas na arrest order laban dito.
Ayon kay Remulla, habang ang kasong multiple murder na isinampa kay Teves sa 2019 killings sa Negros Oriental at kasong illegal possession of firearms at explosives ay nasa lebel pa lang ng preliminary investigation dahil hindi pa umuuwi ang kongresista ay maituturing na isang pugante si Teves.
Ang kaso namang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa ay nakatakdang isampa sa susunod na linggo.
Ayon kay Remulla, ang isang suspek sa krimen na nagtatago ay maituturing na pugante.
Malinaw aniya na ang patuloy na hindi pagharap ni Teves sa mga akusasyon laban sa kaniya ay pag-iwas sa batas.
Ipinaliwanag ni Remulla na wala pang inilalabas na arrest order laban kay Teves dahil sa sinusunod na due process kahit nagmimistulang mabagal ang usad ng kaso.
Sinabi pa ng kalihim na hindi basta maaaresto ang isang suspek dahil kailangan ibigay rito ang karapatan na idepensa ang sarili sa korte.
Nauna nang inihayag ng DOJ na isa si Teves na utak sa deadly attack na ikinasawi ni Degamo at walong iba pa batay sa hawak nilang ebidensiya.
“The actions speak louder than words here. He’s not showing up. It just so happens that he is evading us or trying to evade the law,” wika ni Remulla.