Teves walang suweldo, benepisyo sa loob ng 60 araw na pagkasuspinde
MANILA, Philippines — Walang tatanggaping suweldo at anumang benepisyo si 3rd District Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie “ Teves Jr. sa panahong umiiral ang 60 araw na pagsuspinde rito ng Kamara dahilan sa patuloy na pagliban sa trabaho.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, ang mga suspendidong Kongresista ay hindi otorisadong makatanggap ng suweldo at benepisyo.
Si Teves ay pinatawan ng 60 araw na pagkakasuspinde sa botohan sa plenaryo ng Kamara noong Miyerkules ng gabi dahilan sa ‘disorderly behavior’ o masamang inasal nito sa pagliban sa trabaho sa kabila ng hindi na otorisado ang travel authority nito sa bakasyon sa ibang bansa.
Gayunman, kapag natapos ang suspensiyon at wala ng anumang aberya ang Kongresista ay epektibong ibabalik na ang suweldo at benepisyo nito.
Inihayag ni Velasco, habang umiiral ang ‘preventive suspension’ ng sinumang mambabatas ay epektibo rin ang implementasyon ng nasabing kautusan.
Ayon kay Velasco, nasa plenaryo na ang desisyon kung maglalagay ng caretaker sa ikatlong distrito ng Negros Oriental habang suspendido si Teves.
- Latest