Hindi ko nakita ang biktima…
Lumutang sa Biñan police ang doktor na idinadawit sa fraternity hazing na ikinamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Magugunita na sa pagdinig sa Senado kaugnay ng Salilig hazing case ay tinanong ni committee chairman na si Sen. Francis Tolentino kung natukoy na ang doktor na tumanggi umanong tingnan ang biktima.
Nabatid na bahagi ng salaysay ng isa sa mga suspek sa National Bureau of Investigation ay sinabi nitong humingi umano siya ng tulong sa pinsang doktor ng isa nilang kasama.
Kinumpirma naman ng doktor na siya ang tinutukoy sa pagdinig at ng sa oras na iyon ay nasa bahay na siya at nagpapahinga mula sa duty sa ospital nang tawagin ng pinsan para magpasundo.
Hindi pa umano binigay noong una ng pinsan ang lokasyon kung saan ito susunduin, at nang nakausap na niya ay may bigla umanong umagaw ng telepono ng pinsan at nagtanong.
“Noong kausap ko siya parang may nagtanong na kausap ko na kung may tao na mawalan ng malay ano maganda gawin, ano dapat gawin,” sabi ng doktor sa ABS-CBN News.
Ipinayo ng doctor na dapat dalhin sa ospital ang pasyente at ikinagulat niya ang pahayag ng isa sa mga suspek sa pagdinig na tumanggi umano siyang tulungan si Salilig.
“Yung reaction ko nung napanood ko nga yung ano, yung hearing nila sabi ko ha? Bakit sinasabi na may doktor daw nakita na harap-harapan yung biktima, which is si Matthew, na hindi tinulungan. So unang-una hindi ko nakita si Matthew at di rin ako bumaba ng sasakyan ko. Sinundo ko lang pinsan ko,” aniya.
“Parang taliwas doon sa kwento na lumalabas sa hearing na nasa harapan ko raw yung taong naghihingalo, na hindi ako gumawa ng kahit na anong first aid or medical treatment kasi wala akong nakitang pasyente na nakahandusay.”
Dagdag pa ng doktor, kung may nagbigay-alam lang sana sa kaniya ng sitwasyon, posibleng ginawa niya ang tungkulin bilang isang doktor.
“Kahit ako nabigla ako sa nangyari, nagalit ako siyempre brotherhood yan eh. Bakit humantong doon yung brotherhood? Kung brother mo ‘yan, bakit kailangan humantong sa ganoon,” aniya.
Pag-aaralan naman ng Biñan police ang pahayag ng doktor at ikukumpara sa mga testimonya ng mga suspek na hawak nila at hawak ng NBI.