MANILA, Philippines — Ipatupad sa buong bansa “one-strike policy” o agarang pagsibak sa puwesto ang mga “Ninja cops” na sangkot sa krimen lalo na sa “hulidap” pati na ang kanilang commander.
Ito ang ihihirit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamunuan ng PNP nang masangkot umano sa “hulidap” ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) National Capital Region (NCR) sa nagreklamong grupong Filipino-Chinese businessmen kamakailan.
“Sila ang dapat na nagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan. Bakit sila pa ang inirereklamo ng hulidap at sangkot mismo sa krimen? Ano na ba ang nangyayari sa ilan nating mga pulis?” dismayadong pahayag ni Romualdez.
Magugunita na dumulog kay PNP deputy chief for administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang isang grupo ng Chinese nationals upang kuwestiyunin ang operasyong isinagawa ng CIDG-NCR noong Marso 13 habang naglalaro ang mga ito ng mahjong bilang tugon umano sa reklamo ng mga naingayang kapitbahay.
Sinabi ng mga complainant na kinuha ng mga pulis ang dalawang mamahaling mga relo, mamahaling alahas, at vault na mayroong P3 milyong cash.
Kaya naman sinibak sa puwesto ni CIDG director Police Brig. Gen. Romeo Caramat Jr., ang hepe ng CIDG-NCR chief Police Col. Hansel Marantan at 12 nitong tauhan.
“Dapat talagang magkaroon ng malawakang paglilinis sa hanay ng kapulisan upang maalis ang mga bugok na nasa serbisyo. Kawawa naman ang mga matitinong pulis na nagpapakamatay sa pagganap sa kanilang tungkulin,” ani Romualdez.