MANILA, Philippines — Nakita na rin sa wakas ang MT Princess Empress, na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro noong nakaraang buwan na nagdulot ng oil spill.
Kinumpirma ito kahapon ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na natagpuan ang MT Princess Empress sa pamamagitan ng survey ng remotely operated vehicle (ROV) mula sa Japan, na nagsimula ng operasyon nito noong Lunes.
Ang ROV ay kinontrata ng RDC Reield Marine Services, ang operating company ng MT Princess Empress.
May bitbit ang MT Princess Empress ng humigit-kumulang 900,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito dahil sa malalakas na alon noong Pebrero 28. Nailigtas ang lahat ng 20 tao na sakay.