MANILA, Philippines — Umabot na sa karagatan ng dalawang barangay ng Isla Verde sa Batangas ang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro noong February 28.
Ayon kay Capt. Victorino Acosta, hepe ng Batangas Coastguard, bago mag-alas-8:00 ng umaga nang mamataan ng mga mangingisda at mga tauhan ng Batangas Coastguard ang lumulutang na mga bakas ng langis sa karagatang sakop ng mga Barangay San Agapito at Barangay San Agustin ng Isla Verde.
Nagsagawa ng pangongolekta ng langis ang mga residente kasama ang mga tauhan ng coastguard para maiwasan ang pagkalat ng langis sa naturang lugar.
Naglatag na rin ng improvised spill boom na gawa sa coconut husk at empty plastic bottle sa paligid ng dalampasigan para masala ang mga langis.
Nanawagan naman si Capt. Acosta sa mga residente ng mga barangay sa isla na mag-donate ng plastic bottle na pwedeng gamiting floaters, lambat at nylon chord para sa paggawa ng improvised oil spill boom.
Samantala, sinabi ni Office of Civil Defense Information Officer, Diego Agustin Mariano, na posibleng abutin pa ng Disyembre 2023 ang paglilinis sa karagatan na apektado ng oil spill.
Napag-alaman din kay Mariano na aabutin pa ng ilang taon bago tuluyang matanggal ang epekto nito sa karagatan, dahil nagdulot na ang oil spill ng pinsala sa biodiversity, marine life, kabuhayan at kalusugan ng mga residente. - Doris Franche-Borja, Danilo Garcia