MANILA, Philippines — Hiniling ni Pamplona Mayor Janice Degamo, biyuda ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo na patalsikin bilang miyembro ng Kamara si Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo Teves, Jr.
“Meron pa po kaming ibang sinusulong sa Kongreso. Sana suportahan din ng Kongreso ‘yung amin talagang nire-request’’, wika ng alkalde.
Sinabi ni Mayor Janice na suportado rin niya ang panawagan ng mga mambabatas sa pagpapauwi sa Pilipinas kay Teves upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya partikular ang pagpatay sa gobernador.
Si Teves ay itinuro ng dalawang naarestong suspek na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez, kapwa mga dating sundalo na isang nagngangalang Teves ang umano nag-utos sa kanila na likidahin si Governor Degamo.
Napatay si Degamo sa kanyang bahay sa Brgy. San Isidro, Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4 habang namamahagi ng 4Ps. Bukod sa gobernador ay walong iba pa ang namatay.
Subalit ang lahat ng alegasyon ay tinanggi ni Teves sa pagsasabing magkatunggali sa pulitika ang mga Degamo at Teves.
Sinabi naman ng Philippine National Police na wala pa ring paramdam sa kanila si Teves para sa pagbibigay nila ng seguridad sa pagbabalik nito sa bansa.
Pebrero 28 nang umalis sa bansa si Teves at hanggang Marso 9 lamang ang bakasyon nito na hanggang sa ngayon ay hindi pa bumabalik ng bansa.
Magugunita na nakiusap na rin si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kay Teves na umuwi na ito ng bansa para harapin ang alegasyon laban sa kanya.