MANILA, Philippines — Pitong miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity ang nakitaan ng sapat na ebidensiya ng Department of Justice (DOJ) sa paglabag sa anti-hazing law kaya’t nakatakda itong sampahan ng kaso.
Ito ay may kaugnayan sa kaso ng pagkamatay ni Adamson University student John Matthew Salilig sa hinihinalang hazing.
Bukod sa pagkamatay ni Salilig, kakasuhan din ang mga miyembro ng fraternity sa pinsala naman na inabot ng neophyte na si Roi Osmund Dela Cruz.
Kabilang sa sasampahan ng mga kasong Anti-Hazing Act of 2018 sina: Earl Anthony Romero, a.k.a. Slaughter; Tung Cheng Benitez, a.k.a. Nike; Jerome Ochoco Balot, a.k.a. Allie; Sandro Dasalla Victorino, a.k.a. Loki; Michael Lambert Ricalde, a.k.a. Alcazar; Mark Muñoz Pedrosa, a.k.a. Macoy; at Daniel Delos Reyes, a.k.a. Sting.
“In finding probable cause against the respondents, the panel explained in its resolution dated 13 March 2023 that all of the above-mentioned respondents planned and actually participated in hazing the recruits by way of paddling,” saad ng DOJ sa inilabas na resolusyon.
Isasampa ang kaso sa Biñan City, Laguna Regional Trial Court.
Napatunayan umano ng mga complainant na naging dahilan ng pagkamatay ni Salilig ang mga tinamo niyang mga pinsala dulot ng pananakit sa hazing.
Naghain rin ng hiwalay na reklamo noong Marso 10 ang pamilya ni Salilig at Dela Cruz laban sa 12 personalidad.
Isa pang set ng reklamo ang isinampa naman nina Alexander Marcelo at Earl Justine Abuda laban sa 18 katao. Matatandaan na noong Pebrero 28 ay natagpuan ang bangkay ni Salilig na nakabaon sa bakanteng lote sa Imus City, Cavite 10 araw makalipas itong ideklarang nawawala.