Marcos iniutos ang pagtatayo ng mga cold storage facilities sa bawat fish ports

MANILA, Philippines — Upang matugunan ang pagkasira ng mga huli ng mga mangingisda ay inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglalagay ang gobyerno ng ilang cold storage facility sa iba’t ibang fish ports sa bansa.

Ayon kay Marcos, maraming huling isda ang nasisira dahil sa kawalan ng mga cold storage facility.

Pinangunahan ni Marcos ang sectoral mee­ting na dinaluhan ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Fishe­ries and Aqua­tic Resources (BFAR), Department of the Environment and Natural Resources (DENR), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) at ang Cooperative Development Authority.

Ipinatawag ni  Marcos ang pagpupulong nitong Martes kung saan tina­lakay ang Philippine Fisheries Program at kung paano tutugunan ang bumababang produksyon ng isda at kung papaano mabawasan ang pagkalugi.

Naniniwala rin ang Pangulo na ang nasabing hakbang ay magpapabuti sa suplay ng isda sa bansa.

Ayon sa BFAR, ang pagkasira ng mga huling isda ay nasa pagitan ng 25 hanggang 40 porsiyento dahil sa kakulangan sa post-harvest equipment tulad ng blast freezer at ice making machines gayundin ang mga pasilidad katulad ng cold storage warehouse at fish lan­ding sites.

Ipinunto ng punong ehekutibo na kung maibaba ng bansa ang pagkasira ng huli sa pagitan ng 8 hanggang 10 porsiyento, hindi na aasa ang Pilipinas sa pag-aangkat ng isda mula sa ibang bansa.

Show comments