MANILA, Philippines — isang 67-anyos na ina ang pinatay ng sariling anak nang hatawin ng kahoy sa ulo sa gitna ng mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Pasig City noon pang Marso 4 na kung saan ang bangkay ay isinilid sa isang storage box at itinapon sa isang liblib na lugar sa Norzagaray, Bulacan.
Naaagnas na ang bangkay ng biktimang si Ma. Elena Estella Villastique, canteen owner, nang madiskubre ng mga otoridad sa isang sitio sa Brgy. Matictic, Norzagaray, Bulacan.
Inaresto naman ang anak ng biktima na si Raymond, 28, residente ng Brgy. Villa Lamok, Brgy. Sagad, Pasig City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya na ang krimen ay naganap noon pang Marso 4 nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina matapos umanong akusahan ng ina ang suspek na siyang kumuha sa pera niya.
Nagdilim ang paningin ng suspek at dumampot ng isang kahoy at hinambalos sa ulo ang kanyang ina na ikinamatay nito.
Nang mapatay ang ina ay binalot ng suspek ng kumot at plastik at saka ito isiniksik sa isang puting storage box.
Noong Marso 6, nakuhanan pa ng CCTV si Raymond habang hinihila ang naturang kahon palabas ng kanilang bahay.
Dinala ng suspek ang bangkay ng ina sa isang liblib na lugar sa isang sitio sa Brgy. Matictic sa nasabing lalawigan at saka doon itinapon.
Inireport ng mga kaanak na nawawala ang biktima nang may ilang araw na hindi ito pumasok sa canteen.
Nitong Marso 11 ay nadiskubre naman ng mga barangay tanod ang bangkay ng biktima nang may magsumbong na residente hinggil sa masangsang na amoy na nagmumula sa isang inabandonang storage box na selyado ng tape.
Ayon naman sa National Bureau of Investiagtion (NBI) na tumestigo ang 6-anyos na anak ng suspek na nakakita sa pagpatay sa kanyang lola.
Nakapiit na ang suspek at kinasuhan ng parricide.