6 kawani ni Cong. Teves hawak ng PNP-CIDG
MANILA, Philippines — Nasa kustodiya na ngayon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang anim na kawani ni Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesperson Col.Jean Fajardo matapos na maihain ang nasa 10 Search Warrants dahil sa paglabag sa RA 10591 at R.A.9516 na inilabas ni Hon. Allan Francisco Garciano, Executive Judge ng RTC, Mandaue City, Cebu.
Ang mga indibidwal na nasa kustodiya ng CIDG ay nadatnan habang isinasagawa ang pagsalakay sa mga pag-aari ni Teves na ang isa ay security guard habang ang iba ay “close associates” ng solon.
“They are close associates of Congressman Teves,yung anim po. ‘Yung isa doon ay kasama doon sa kasong i-finile ng CIDG related doon sa 2019 murder, then ‘yung isa doon ‘yung security guard na nagbabantay doon sa property, and then rest mga close associates dito,” ani Fajardo.
Magugunita na noong Biyernes ay sinalakay ng mga pulis ang tatlong bahay na pag-aari ni Teves at dalawa dito pag-aari ng kaniyang secretary at close associates, sa Bayawan City at sa bayan ng Basay sa Negros Oriental.
Nakumpiska ng mga pulis ang 10 short firearms, 6 rifles, 19 long magazines at extended magazines, ilang piraso ng ammunition, nasa 100 cartridge cases, rifle scope, tatlong hand grenades gun holsters.
Sa ngayon hindi pa mabatid kung kailan babalik ng bansa si Teves, gayong expired na ang travel clearance nito nitong Marso 9.
Una nang pinayuhan ni House Speaker Martin Romualdez si Teves na umuwi na ng bansa at harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
- Latest