Oil spill, posibleng umabot sa Boracay

Sa lumubog na barko sa Mindoro..
MANILA, Philippines — Posibleng umabot pa ang oil spill sa Boracay Island sa Aklan, ang isa sa mga pamosong tourist destination ng bansa, mula sa lumubog na tanker sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Ayon sa DOT, naghahanda na ang pamahalaang lokal ng Malay, Aklan, sa posibilidad na epekto ng oil spill sa kanilang nasasakupan sakaling umabot na ito roon.
“The PCG and the Malay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) are continuously conducting roving and monitoring along the coasts of Boracay, and have prepositioned oil slick booms in strategic areas around the island in anticipation of the oil spills,”ayon sa DOT.
Nakipag-ugnayan na rin ang DOT Western Visayas Regional Office sa lokal na pamahalaan ng Malay para sa posibilidad na magpaabot ng tulong sa mga turista sa Boracay sakaling umabot ang spillage sa coastal area ng isla.
Samantala, sinabi rin ng DOT na ang pinakamatinding naapektuhan ng oil spill ay ang bayan ng Pola, sa Oriental Mindoro, kung saan matatagpuan ang marine protected areas at mga beach resort.
Patuloy naman ang pagsisikap na malinis ang coastal areas upang mas mapagaan ang epekto sa coastal communities at marine life.
Gayundin ang clean-up drives na isinasagawa mga baybayin ng Sitio Sabang, Barangay Tinogbo, Liwagao Island, Barangay Sibolo, at Sitio Tambak, sa Barangay Semirara, na pawang nasa Caluya, Antique.
- Latest