Paslit naiwang mag-isa sa bahay, natupok sa sunog

MANILA, Philippines — Isang 4-anyos na lalaki na naiwang mag-isa na natutulog ang nasawi matapos na masunog ang kanilang bahay sa Brgy. South Cembo, Makati City, kahapon ng madaling araw.
Halos hindi na makilala dahil sa pagkasunog ang bangkay ng batang si “Aaron Lance”, residente ng Gen. Malvar St., ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Southern Police District, bago naganap ang sunog, ala-1:07 ng madaling araw ay naiwang mag-isa ang biktima habang natutulog habang ang ama at ina nito ay magkasama sa pagpapasada ng tricycle.
Nang malaman ng mag-asawa na nagkakasunog ay nagmadali na umuwi upang iligtas ang anak, subalit nabigo sila dahil nahirapang pasukin ang bahay sa laki ng apoy.
Nahirapang huminga ang ina na si Daniela, 20 dahil sa suffocation at nagtamo naman ng second degree burns ang ama na si Jan, 28.
Umabot ng hanggang ikatlong alarma at naideklarang fireout bandang alas-2:26 ng madaling araw at sa mopping operation ay nadiskubre ang sunog na sunog na bangkay ng bata.
Hindi pa tukoy kung ano ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa tinatayang 8 kabahayan.
- Latest