MANILA, Philippines — Inihayag ng Negros Oriental Provincial Police Office ( NOPPO) ang pagpapatupad sa buong lalawigan ng gun ban.
Ito ay bunsod ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa kamakailan. Sa Facebook page ng NOPPO, ang lahat ng permit to carry firearm sa labas ng bahay ay suspindido pansamantala.
Tanging pulis, sundalo at iba pang law enforcement agencies na naka-duty ang pinapayagang magdala ng kanilang baril. Magugunita na si Degamo ay nagtamo ng 11 tama ng bala ng baril sa katawan matapos pagbabarilin ng mga dating sundalo sa kanyang bahay sa Brgy. San Isidro, Pamplona, Negros Oriental habang namamahagi ng 4Ps na kung saan ay walong iba pa ang nadamay at namatay.
Nasampahan na rin ng kasong murder, frustrated murder at illegal possession of firearms ang mga nahuling suspek. Sinabi naman ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr., na magpapakalat ng karagdagang sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lalawigan upang tumulong na mapigilan ang karahasan.