MANILA, Philippines — Hindi pinagbigyan ni House Speaker Ferdinand Martin ang kahilingan ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves na mabigyan siya ng isang linggong leave extension kasunod nang pagtatapos na ng kanyang travel authority noong Marso 9. “Rep. Arnie Teves has asked for a leave extension but I advised him to come back the country as soon as possible,” ayon kay Speaker Romualdez.
Nangangahulugan aniya ito na ang biyahe sa labas ng bansa ni Teves na lampas sa Marso 9, ay hindi na otorisado ng House of Representatives at ang tanging opsiyon nito ay umuwi na lamang ng bansa.
Naniniwala rin si Romualdez na mas makabubuting umuwi si Teves at harapin ang pagkakadawit ng kanilang pamilya sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Ruel Degamo at siyam na iba pa noong nakaraang linggo habang siya ay nasa Estados Unidos.
“Makabubuti na ring umuwi na si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo,” aniya pa.
Binigyang-diin niya na nais ng lahat na marinig ang kanyang panig dahil bukod kay Degamo, ay maraming buhay ang nawala dahil sa naturang karumal-dumal na krimen.
Tiniyak rin naman ng House Speaker na hindi titigil ang pamahalaan upang kilalanin at panagutin ang mga taong nasa likod ng naturang krimen.
Anya, kamakailan ay umamin na ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen at hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at panagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimen.