MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatayo ng Philippine Heart Center (PHC) Annex sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Layon nito na dalhin ang dekalidad na healthcare malapit sa mga Pilipino. “Subject to limitations under existing laws, rules and regulations, the National Government shall establish the Philippine Heart Center Annex in Clark Freeport Zone, Pampanga (PHC Clark), which will primarily render specialized medical services for the prevention and treatment of cardiovascular diseases,” ang nakasaad sa Executive Order (EO) No. 19 na tinintahan ni Pangulong Marcos noong Marso 8.
Sinasabi pa rin sa EO No.19 na karamihan sa mga Pilipino ay nagdurusa mula sa cardiovascular diseases na kailangan pang bumiyahe sa Kalakhang Maynila kung saan matatagpuan ang Philippine Heart Center.
Base sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, ang cardiovascular diseases ang pangunahing dahilan ng pagkamatay sa bansa “as of October 31, 2022.”
Ang PHC ay itinatag sa ilalim ng Presidential Decree No. 673 (s. 1975), ay ang natatanging specialty hospital sa Pilipinas na nagbibigay ng specialized medical services sa mga Pilipino na nagdurusa mula sa cardiovascular diseases.