MANILA, Philippines — “Suspendihin ang implementasyon ng mga alituntunin sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).”
Ito ang naging panawagan kahapon ng transport group na PISTON kay Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr. at kung maaari anya ay maglabas ng executive order para sa pagsuspinde ng implementation ng Department of Transportation Order No. 2017-011 o Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance.
Ayon kay PISTON president Mody Floranda na ititigil nila ang week-long strike na nagsimula kahapon kapag tumugon ang pamahalaan sa kanilang mga hinaing.
Itinuloy nila ito sa kabila ng pagpapalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa June 30 deadline para bumuo ang jeepney operators ng mga kooperatiba sa December 31, 2023.
Ito ay kasunod ng pagsasabi ni Marcos na ang planned modernization ng jeepneys, bagama’t kinakailangan ay hindi “urgent.”
Kinuwestiyon din nila ang pamahalaan sa pag-uutos sa drivers at operators na palitan ang kanilang traditional jeepneys ng modernized “minibus” models.