LTFRB, maglalabas ng ‘special permit’ sa PUVs vs tigil-pasada
MANILA, Philippines — Dahil sa nakatakdang transport strike, maglalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permit para naman sa mga pampublikong sasakyan na ruruta sa mga apektadong lugar simula bukas, Marso 6.
Sa ilalim ng Board Resolution No. 06 series of 2023 na inilabas ng LTFRB, inatasan ng ahensya ang lahat ng regional directors nito na mag-isyu ng special permits upang mapahintulutan ang mga operator at tsuper ng mga pampublikong sasakyan na pumasada sa labas ng kanilang ruta para matugunan ang mga lugar na apektado ng transport strike.
Sinasabi sa kautusan na maaaring mag-isyu ng special permit ang LTFRB bilang paghahanda sa anumang sitwasyon na posibleng makaapekto sa kaligtasan at kaginhawaan ng publiko partikular na ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Technical Division chief Joel Bolano, isa lamang ang paglalabas ng special permit sa mga hakbang na isinagawa ng ahensya upang mapaghandaan ang ikinasang tigil-pasada ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon.
“Lahat ng opisina ng LTFRB sa buong bansa ay nakahanda naman na mag-isyu ng special permit. In fact, mayroon na kaming mga inter-agency meeting na isinagawa noong nakalipas na dalawang araw,” dagdag pa ni Bolano.
Una nang nakipag-ugnayan ang LTFRB sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang masiguro na mananatiling ligtas ang lahat ng mga pasahero, driver, operator at maging ang mga grupo na mangunguna sa tigil-pasada.
- Latest