MANILA, Philippines — Dahil sa inaasahang magiging epekto ng itinakdang isang linggong transport strike, pagpapatupad ng “asynchronous classes” sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa Maynila sa Marso 6 hanggang Marso 11.
Hinimok din ang mga pamunuan ng mga pribadong eskuwelahan na magpatupad muna ng online classes kaugnay din sa tigil-pasada dahil sa posibleng epekto sa mga mag-aaral, guro at staff na walang masasakyan.
“Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan declares asynchronous classes in all public schools in all levels in the City of Manila from Monday, March 6 to Saturday, March 11, 2023 due to the upcoming transport strike in NCR,” ayon sa Facebook post ni Atty. Princess Abante ng Manila Public Information Office.
“Private schools are encouraged to switch to online classes during this time,” saad pa sa public advisory.
Ang planong pitong araw na tigil-pasada ay kaugnay sa matinding pagtutol ng ilang transport groups sa modernization program ng Department of Transportation (DOTr) sa lahat ng public utility vehicle (PUV) na 2017 pa inilunsad.
Samantala, personal na pangungunahan ni Lacuna ang pagpapatupad ng “OPLAN: LIBRENG SAKAY” ng pamahalaang lungsod sa unang araw ng transport strike, bukas.
Pangangasiwaan at pagmo-monitor sa deployment ng mga gagamitin sa libreng sakay sina Manila Police District (MPD) Director, P/Brig. General Andre Dizon, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) adviser Dennis Viaje, at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles, na magsisimula alas-5:00 ng umaga ng Lunes sa Kartilya ng Katipunan.