Pulis sa NCR, maglulunsad ng libreng sakay

Inihanda na kahapon ni Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Andre Dizon ang mga sasakyang gagamitin para sa “Oplan Libreng Sakay” ng PNP sa mga maaapektuhang commuters sa isang linggong transport strike na magsisimula bukas, Marso 6.
Ernie Peñaredondo

Kasabay ng transport strike..

MANILA, Philippines — Kasabay ng tigil-pasada ng ilang transport groups na pasisimulan sa Marso 6, mag­lulunsad ng “Libreng Sakay” ang lahat ng police districts at National Capital Region Police Office (NCRPO)-Regional Mobile Force Battalion (RMFB) para maserbisyuhan ang mga commuters na maapektuhan.

Inatasan na nitong Huwebes ni NCRPO P/Major General Edgar Alan Okubo ang mga police district directors at ang force commander ng RMFB na i-account ang kanilang mga tauhan na ipapakalat at mga sasakyang maaaring gamitin sa libreng sakay para nakatakdang transport strike na posibleng abutin ng pitong araw o isang linggo.

Binigyang-diin ni Okubo sa kaniyang kautusan sa Manila Police District, Southern Police District, Northen Police District, Quezon City Police District, Eastern Police District, at RMFB na kung kinakailangan ay gamitin lahat ng patrol vehicles upang makadagdag sa  pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan at ilang ahensya ng gobyerno na maibsan ang kakapusan ng masasakyan, sakaling matuloy ang transport strike.

Sa direktiba ni Okubo, kailangang makipag-ugnayan muna sa local government units (LGUs) ang mga police chiefs para matukoy ang eksaktong lugar kung saan dapat maglagay ng augmentation trucks, buses at patrol vehicles sa iba’t ibang panig ng Metro Manila. Partikular na magtatalaga ng NCRPO personnel sa mga pick-up at drop off points upang makatugon agad sakaling may hindi magandang sitwasyon na maaaring maganap sa pagitan ng mga nagwewelgang tsuper at mga hindi sumaling drayber.

Nabatid na nasa 4,356 ang ide-deploy kabilang ang 700 Civil Disturbance Management (CDM) contingents, 1,019 sa mga major thoroughfares, 569 sa transport hubs/terminal, 582 sa commercial areas, 611 sa iba pang lugar ng convergence, at 875 Reactio­nary Standby Support Force (RSSF) personnel ang ilalagay sa stand-by na handang i-deploy anumang oras.

Show comments