MANILA, Philippines — Umabot na ang tagas ng langis sa karagatang sakop ng Caluya, Antique mula sa lumubog na oil tanker sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) District Western Visayas kahapon, na-monitor ang oil spill sa mga baybayin ng Sitio Sabang, Brgy. Tinogboc (1km); Liwagao Island, Brgy. Sibolo (2km); at Sitio Tambak, Brgy. Semirara (2km) sa bayan ng Caluya.
Ang MT Princess Empress ay lumubog na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil habang ito ay naglayag sa maalon na karagatan sa Naujan, Oriental Mindoro noong Martes. Sinabi ng PCG na ang sasakyang pandagat ay maaaring nasa 300 metro sa ilalim ng dagat, ngunit ang mga ekspertong diver ay umabot lamang sa 180 metro ang lalim.
Pinayuhan ng PCG ang mga residente mula sa apat na munisipalidad sa Oriental Mindoro na iwasang mangisda matapos sabihin ng marine experts na nasa 24,000 ektarya ng coral reef ang may posibilidad na panganib na dala ng kumalat na langis sa karagatan.