Higit P1.4-bilyong puslit na sigarilyo nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Sulu ang nasa P1.425 bilyong halaga ng puslit na imported na sigarilyo, kamakalawa.
Isang composite team mula sa BOC at Customs Intelligence and Investigation Service sa Manila International Container Port (CIIS-MICP), kasama ang mga elemento at iba pang otoridad ang nagtungo sa warehouse sa Sitio Buotan, Kajatian, Indanan, Sulu para sa implementasyon ng Letter of Authority (LOA) na inisyu ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Natuklasan sa naturang warehouse ay naglalaman ng tinatayang aabot sa 19,000 master cases ng assorted na imported na sigarilyo, gaya ng B&E ice menthol, New Far menthol, Souvenir menthol, Cannon menthol, BroadPeak black menthol at Bravo.
Sinabi ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na kaagad silang umaksiyon matapos makatanggap ng derogatory information mula sa CIIS, na pinamumunuan ni Director Verne Enciso.
Idinagdag ni Enciso na ang sunud-sunod na pagsalakay sa mga warehouse kamakailan, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng bilyong halaga ng smuggled items ay naging posible dahil nauunawaan ng komisyoner kung ano ang nakasalalay dito.
Isang warehouse representative na nagngangalang Nomil Arani ang kumilala sa LOA, kaya’t kaagad na nagsagawa ng inspeksiyon ang grupo sa pasilidad, kung saan nila nadiskubre ang mga lalagyan ng mga hinihinalang smuggled na sigarilyo, na kaagad ring dinala sa Port of Zamboanga, sa pamamagitan ng Philippine Navy vessel.
- Latest