MANILA, Philippines — Isang emplayada ng Tayabas City Hall ang muntikan nang mamatay makaraang ihulog sa ilog ng kanyang kinakasamang traffic enforcer mula sa ibabaw ng tulay sa Tayabas City, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na kasalukuyang ginagamot sa ospital dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan sanhi ng pagkahulog mula sa 10 metrong taas na tulay ay kinilalang si Verlyn Serrano Obcemia, 28-anyos, residente ng Brgy. Dapdap, Tayabas.
Tumakas naman ang 33-anyos na suspek na si Jerome Cabile Cabuyao, isang traffic enforcer ng Tayabas City, matapos ang pangyayari.
Sa report ng Tayabas City police, alas-10:30 ng gabi ay galing sa birthday party ng isang kaibigan ang magka-live in at papauwi na sa kanilang bahay at sakay ng kanilang motorsiklo nang magkaroon ng pagtatalo.
Dito ay itinigil ng suspek ang motorsiklo sa gitna ng tulay at sa kasagsagan ng pagtatalo ay itinulak nito ang babae at inihulog sa tulay.
Bumagsak ang biktima sa mababaw na tubig at batuhang bahagi ng ilog.
Mabilis na pinasibad ng suspek ang kanyang motorsiklo matapos ang insidente.
May ilang nakasaksi na agad nakatawag ng saklolo sa mga otoridad.
Sa pagresponde ng tauhan ng Tayabas CDRRMO, naisugod ang biktima sa isang ospital sa Lucena City.
Ayon sa pulisya, nakainom ang suspek nang mangyari ang insidente na patuloy pang pinaghahanap at kakasuhan ng frustrated homicide.