DBM, nagpalabas ng P500 milyon Cancer Assistance Fund
MANILA, Philippines — Nagkakahalaga ng P500 milyon ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para 2023 Cancer Assistance Fund (CAF) ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ito ay isang pagpapatibay sa pangako ng pamahalaan na palakasin ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipinong dumaranas ng cancer.
Sinabi ni Pangandaman na sa loob ng maraming taon, ang cancer ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.
Nakalulungkot aniya na ang mga pamilyang Pilipino, kahit na ang mga nasa upper-income bracket ay apektado ng malaking gastos sa kalusugan dahil sa mataas na gastos sa paggamot at limitadong saklaw ng pangangalaga sa kanser sa ilalim ng public programs.
Layunin ng CAF na mag complement at masuportahan ang kasalukuyang “financial support mechanisms” ng iba’t ibang cancer care at control services na hindi pa saklaw ng Philippine Health Insurance Corporation at partially covered lamang ng Malasakit Program.
Babayaran ng pondo ang mga serbisyo sa pagkontrol ng cancer sa outpatient at inpatient, ngunit hindi limitado sa, diagnostics, therapeutic procedure, at iba pang mga gamot sa cancer na kailangan para sa paggamot at pamamahala ng cancer at ang mga bahaging nauugnay sa pangangalaga nito.
Ito ay ang breast cancer; childhood cancers; gynecologic cancers; liver cancer, kabilang ang colorectal at iba pang digestive tract cancers; adult blood cancers; head at neck cancers, kabilang ang thyroid; lung cancer; at prostate, renal, at urinary bladder cancer.
- Latest