MANILA, Philippines — Hindi nagpakita kahapon sa pagdinig ng Kamara ang tinaguriang “Sibuyas queen” hinggil sa ‘hoarding’ at manipulasyon ng presyo ng sibuyas sa merkado na pumalo sa pinakamahal sa buong mundo noong Disyembre 2022.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni 1st District Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, ikinadismaya ng mga mambabatas ang hindi pagdalo ni Lilia Cruz, alyas Leah Cruz.
Hindi nagustuhan ni 4th District Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang alibi ni Cruz sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel na si Atty. Kenneth Bryan Tegio na may importante itong lakad kaya hindi nakadalo sa pagpapatuloy ng pagdinig .
Una nang lumutang sa pagdinig na si Cruz ang nasa likod ng hoarding at pagmamanipula ng presyo ng sibuyas sa merkado.
Si Cruz umano ay may mga ahente na namamakyaw ng sibuyas at nambabarat sa mga magsasaka partikular na sa Bongabong, Nueva Ecija na itinago sa mga cold storage facilities saka unti-unting ilalabas kapag mataas na ang presyo nito sa merkado partikular na noong ‘ber months’ ng nakalipas na taon.
Ang presyo ng sibuyas ay pumalo sa P550.00 hanggang P600.00 bago magpasko at ilang araw pa ay nasa P750.00 hanggang P800.00 ang kilo isang linggo bago magbagong taon.
Pinaalalahanan naman ni Enverga si Tegio na pagsabihan ang kaniyang kliyente na kailangan ng presensya nito sa pagdinig upang mabigyang linaw ang kartel o sabwatan sa manipulasyon ng sobra-sobrang pagtaas ng presyo ng sibuyas.
Ayon naman kay 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert Barbers na artipisyal lamang ang pinalulutang na kakulangan ng suplay ng sibuyas upang maisulong ang sabwatan sa importasyon.