Pagkuha sa 4 bangkay ng Cessna crash sa Mayon pahirapan
MANILA, Philippines — Pahirapan umano ang pagrekober ng mga labi ng apat na nasawi sa pagbulusok ng Cessna plane sa Mayon volcano bunsod ng makapal na ulap at mapanganib na daan.
Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo na malabong matapos ang retrieval operations sa bangkay nina pilot Captain Rufino James Crisostomo Jr. at co-pilot Joel G. Martin, at mga pasaherong sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, kapwa dayuhan.
“Hindi po kakayanin ngayong araw (Biyernes) kasi kahit kahapon, kahit maganda yung panahon dito, nakokoberan ng makapal na ulap yung Mayon. Hindi po makagalaw yung retriever natin doon sa taas,” ani Baldo.
“Kapag ginagalaw nila nang kaunti yung bangkay nagdadausdos pababa ‘yung mga rocks doon kaya delikado po sa mga rescuers po natin,” paliwanag pa ng alkalde.
Sa ngayon, sinabi ni Baldo na ang mga miyembro ng retrieval team ay magtatayo lamang ng mga anchor vault at mga lubid upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Agad naman na magpapalabas ng report ang investigation team oras na matapos na ang isinasagawang imbestigasyon lalo na sa kung ano talaga ang dahilan ng pagbagsak ng Cessna 340 plane.
- Latest