Sunog sa Pasay: Ina, 2 anak paslit, patay
MANILA, Philippines — Natupok ang isang ina at dalawang paslit na anak matapos na makulong sa nasusunog nilang bahay sa Malibay, Pasay City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mary Ann Maglinaw, 29 at dalawa nitong anak na sina Xzavion Rivas, 2; at Evzekhion Rivas, 5.
Nasugatan naman sina Mark Christian Rafol, 5, na nagtamo ng paso sa kanang braso; Frederick Ignacio, 45, paso sa noo; at Antonio Padilla, 56, paso sa leeg, kamay at paa.
Batay sa ulat ng Pasay City Fire Department, alas-9:50 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang bahay na pag-aari ng isang Peterson Odon Rivas sa Mayor B, Brgy. 117 Malibay at mabilis na kumalat.
Dakong, alas-9:53 ng umaga nang makontrol ng mga bumbero ang sunog at alas-10:16 ng umaga nang magdeklara ng fireout.
Nang pasukin ng mga bumbero ang nasunog na bahay ay tumambad ang tatlong sunog na katawan ng mag-iinang biktima.
Ayon sa Pasay City BFP, isang bahay ang natupok ng sunog at anim na pamilya ang apektado. Patuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog.
- Latest