Sasakyan na ginamit sa pag-ambush sa Aparri vice mayor, natagpuang sunog
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na natagpuang sunog ang sasakyan na posibleng ginamit ng mga nanambang na ikinasawi ni Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima nitong escort sa Nueva Vizcaya.
“Kaninang madaling araw ay may nai-report po na nakitang sunog na white Mitsubishi diyan sa Brgy. Uddiawan sa Solano, Nueva Vizcaya at tinitignan na maaaring ito yung ginamit na mga sasakyan po ng mga suspek,” wika ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Ayon pa kay Fajardo na sinusuri na ng mga pulis ang registration number ng Mitsubishi Adventure na walang plaka para alamin kung sino ang may-ari.
Magugunita na pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang gunmen na nakasuot ng PNP uniform ang van na sinasakyan ng mga biktima noong Linggo sa Bagabag, Nueva Vizcaya na ikinasawi ni Vice Mayor Alameda; kanyang escort na sina Alexander Agustin Delos Angeles; Alvin Dela Cruz Abel; Abraham Dela Cruz Ramos; John Duane Banag Almeda; at Ismael Nanay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng Starex van patungong Maynila nang pagbabarilin ng humigit-kumulang anim na suspek. - Victor Martin
- Latest