35 kabahayan sa Quezon City, tinupok ng apoy

Nangangalap ang mga residenteng nasunugan ng mga kagamitan na maaari pang pakinabangan matapos na lamunin ng apoy ang nasa 35 kabahayan sa Brgy. Tatalon, Quezon City noong Sabado ng gabi. Umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula Linggo ng umaga.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa 35 kabahayan ang tinupok ng apoy na kung saan ay dalawang katao ang nasugatan sa naganap na sunog, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Tatalon, Quezon City.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Andrie Caser, 23, isang fire volunteer, na nagtamo ng minor burn sa kanang bahagi ng leeg at Adrian Mark Torres, 18, na nagtamo naman ng minor burn sa noo.

Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-9:00 ng gabi nang maganap ang sunog sa isang residential area sa Manunggal St. sa Brgy. Tatalon na kung saan ay nasa 35 kabahayan, na pawang gawa sa light materials ang tinupok ng apoy.

Umabot ang sunog sa ikalawang alarma bago tuluyang naideklarang fire under control, alas-11:20 ng gabi at tuluyang naapula, alas-12:41 ng madaling araw kahapon.

Iniimbestigahan ng mga otoridad ang dahilan ng sunog, at inaalam ang halaga ng mga ari-ariang natupok.

Show comments