MANILA, Philippines — Libu-libong deboto ang nakiisa sa idinaos na “Walk for Life 2023” ng Simbahang Katolika na nagsimula sa Welcome Rotonda sa Quezon City hanggang sa University of Sto. Tomas sa Maynila, nitong Sabado.
Dakong alas-4:00 ng madaling araw nang tumulak ang parada at nang sumapit sa UST Grandstand ay doon naman nagsagawa ng Banal na Misa na pinangunahan ni Msgr. Bernardo Pantin, secretary general ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at sinundan ng programa.
Ang tema ng Walk for Life ngayong taon ay “SANAOL” (Synodality, Accompaniment and Nearness). Let’s All Walk Together for Life’ na hango pa rin sa panawagan ng Santo Papa Francisco na synodality.
Ayon sa Simbahang Katolika, layunin ng naturang taunang aktibidad na itaguyod at isulong ang dignidad at kahalagahan ng buhay.
Una nang sinabi ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown, na isang mahalagang gawain ang pakikilahok sa Walk for Life.
Ayon kay Brown, ang naturang gawain ay pagkakataong ihayag ang paninindigan sa buhay ng tao na lantad sa iba’t ibang uri ng panganib.
Sa panig naman ni Cardinal Luis Antonio Tagle ng Dicastery for Evangelization ng Vatican, ang Walk for Life ay mahalagang pagtitipon at pagbubuklod ng mananampalataya para itaguyod ang kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan. Pansamantalang natigil ang pagdaraos ng aktibidad nang manalasa ang COVID-19 pandemic at ngayon lamang ito muling naidaos.