MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang hindi pa kilalang motorcycle rider nang barilin sa ulo ng apat na kalalakihan, sa harapan ng isang kilalang food chain, sa Barangay Moonwalk, Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat na inilabas ng Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) mula sa Parañaque Police Station, inilarawan ang biktima ng pamamaril sa edad na 35-40, sakay ng NMAX color red & black na may plakang MV 1303 at conduction sticker na 0903698, nakasuot ng itim na t-shirt at gray na maong na pantalon, may tattoo sa braso.
Sa ulat, alas-12:08 ng Pebrero 13, 2023 nang maganap ang pamamaril sa tapat ng McDonald sa E. Rodriguez Avenue, Brgy. Moonwalk at naiulat bandang alas-12:20 ng madaling araw sa Don Bosco Police Sub-Station.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente para matukoy ang pagkilanlan ng apat na suspek, kung saan tatlo sa kanila ang sakay ng isang Toyota Vios na taxi body number JDCM na may plakang ATA 8397, kulay puti at ang isa pa ay nagmamaneho ng isang motorsiklo.
Samantala, may narekober na identification card sa biktima na may pangalang Hilbert Sonza na residente ng Dagat-Dagatan, Caloocan City, bagama’t hindi pa nakukumpirma.
Sinabi naman ni Brgy. Moonwalk Chairman Robert Alano, nakita sa rekord ng CCTV na bumaba ng taxi ang gunman at pinagbabaril ang biktima sa ulo.
Tumakas umano ang gunman sakay ng taxi sa direksyon ng Doña Soledad Ave., patungong Bicutan.