MANILA, Philippines — Natukoy na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang umano’y ‘utak’ sa pagkawala ng mga sabungero.
Ito ang inihayag ni CIDG chief Police BGen. Romeo Caramat, Jr., na kung saan ay masusi nilang pinag-aralan ang mga anggulo ng kaso at kanilang natuklasan na iisa lamang ang itinuturo na may kagagawan ng pagdukot sa mga sabungero.
Gayunman, ay hindi pa nila maaaring ibunyag ang pangalan ng “utak” dahil kailangan maayos mga dokumento at hindi mabasura ang kaso.
“We have an idea of who but bilang primary investigating agency ng Philippine National Police ang CIDG, we don’t want na mag-file kami ng kaso na madi-dismiss lang,” ani Caramat.
Sa ngayon, tinututukan ang pag-aresto sa ilan pang personalidad na sangkot sa pagkawala ng anim sabungero.
Magugunita na Enero nang sampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang anim katao na kinabibilangan ng tatlong pulis na sinasabing dumukot sa E-Sabong agent na si Ricardo Lasco.