MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Makati (OSMAK) ang isang 35-anyos na electrician nang sumabog ang dala nitong granada na ikinasugat ng tatlong kainuman, kamakalawa ng gabi sa Brgy.Pembo, Makati City.
Kinilala ang nasawing biktima na si John Al Javier, ng Block-348, Lot-9, Leek St., Barangay Pembo, ng lungsod.
Nasa kritikal na kondisyon sa nasabi ring pagamutan sina Junnie Boy Duhay Lungsod Dizon, 36, binata, housekeeping, ng Blk. 348, Lot.10, Brgy. Pembo, Makati City.
Ang ikatlong mga nasugatan na nasa ligtas nang kalagayan ay sina Ronnie Rivas Mamayabay, 38, binata, maintenance, Blk.-348, Lot.-9 Corn Flower St. Brgy. Pembo, Makati City; at Jay Ar Ardeño, 34, ng Levy Mariano, Brgy. Ususan,Taguig City.
Sa ulat, alas 9:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa Blk. 348, Lot. 9, Corn Flower St., Brgy. Pembo, Makati City.
Sa salaysay ng saksi na si Miguel Santos Cruz, 57, ng Block 348, Lot 10 Corn Flower St, na bago ang pagsabog, alas-3:00 ng hapon ay kasama siya ni Javier sa loob ng bahay nito.
Naroon siya nang pagsabihan ang asawang si Zenaida Javier na magpalit ng damit bago magpunta sa kapitbahay para magsugal ng tong-its.
Kasunod na ito ng pagsisimula ng inuman ng alak ng dalawa, alas-4:30 ng hapon at nakita ng saksi na may kinuhang hand grenade si Javier mula sa loob ng isang speaker at itinago sa kaniyang katawan.
Pagsapit ng alas 7:30 ng gabi, sinabihan ni Javier ang saksi na tawagin ang tatlo na pagdating doon ay agad na nag-inuman ng alak.
Habang nag-iihaw ng isda ang saksi, kinausap siya ni Mr. Javier habang hawak ang granada, kung sasama siya sa pagpapakamatay o may papatayin lang siya, dahilan upang mapilitan na lamang na umuwi ng kaniyang bahay ang saksi para maghapunan at nang makauwi ay nakarinig siya ng malakas na pagsabog.