MANILA, Philippines — Nauwi sa madugo ang pag-aamok ng isang sundalo sa loob ng barracks ng kanilang kampo matapos mapatay nito ang apat na kasamahan habang isa ang kritikal, subalit nabaril at napatay rin ang suspek ng isang kabaro na nanlaban sa kanya sa Cagayan de Oro City nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ng 4ID, nakilala ang mga nasawing sundalo na sina Sgt. Rogelio Rojo Jr., Corporal Bernard Rodrigo, Pfc Prince Kevin Balaba at Private Joseph Tamayo; pawang ng SSB Unit sa nasabing himpilan habang nasa kritikal na kondisyon sa ospital si Staff Sgt. Braulio Macalos Jr., dahil sa tama ng punglo sa katawan.
Nakilala ang nag-amok na sundalo na si Private Jomar Villabito, nakatalaga sa Security Service Battalion (SSB) sa ilalim ng 4th Infantry Division (4ID) ng Philippine Army sa Camp Evangelista sa Brgy. Patag ng lungsod na ito. Siya ay napatay rin ng mga rumespondeng kasamahang sundalo sa nasabing unit matapos ang kanyang pag-aamok.
Sa ulat, ala-1:10 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga sundalo sa barracks ng SSB sa kampo nang bigla na lamang pagbabarilin ni Villabito ng dalang armalite rifle na agad ikinasawi ng iba.
Nauna rito, ilang araw na umanong tila balisa si Villabito na inakala naman ng mga kasamahan nitong sundalo na nalulungkot lamang dahilan malayo ito sa kaniyang pamilya.
Isa naman sa mga sundalo na tinangka ring paputukan ng suspek ang nakipagpambuno ng armas at mabaril ang nag-aamok na kasamahan sanhi ng kamatayan nito.