MANILA, Philippines — Pinaplantsa na ng Department of Transportation (DOTr) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang planong pagtatayo ng karagdagang tatlo hanggang apat pang subway sa National Capital Region na mag-uugnay sa lalawigan ng Cavite.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, pinaplano ng magkabilang panig ang paglalagay ng dagdag na subway sa Metro Manila para maibsan ang matinding trapiko sa rehiyon.
Sinabi ni Bautista na ang planong dagdag na subway ay ikokonekta sa Metro Manila Subway Project na kasalukuyang itinatayo sa NCR. Pero, magsasagawa pa aniya sila ng masusing pag-aaral hinggil sa naturang plano.
Inaasahan din ni Bautista na matatapos ang Metro Manila Subway Project hanggang sa matapos ang termino ni ni Pangulong Marcos .
Ang unang subway rail system project sa bansa na may 33 kilometrong haba at may 17 istasyon ay bahagi ng “Build Build Build” flagship infrastructure program mula sa nagdaang administrasyong Duterte.